Miyerkules, Oktubre 28, 2009
Buhay BUHay
Para Kumita Ng Pera
Ni cristina casacop
Sa kanyang paglisan pilit na ngiti ay sisilay,
Bakas ay ligaya ngunit higit ang kalungkutang taglay.
Hindi man sabihin, sa mata’y mababanaag,
Mga impit niyang luha’y naghahangad ng liwanag.
Piniling magpaalila sa hindi niya kababayan,
Lungkot ng pag-iisa’y pilit na kinakalaban.
Kung minsa’y sawing-palad, umuuwing luhaan,
Ngunit patuloy pa rin sa pakikipaglaban.
At pagdating doon, sa pamilya’y nangungulila,
Kadalasa’y walang magawa kundi ang lumuha.
Long-distance calls na kay mahal, kahit pano’y naiibsan,
Ang sakit ng damdaming ni sa pagtulog di maiwasan.
Trabaho dito, trabaho doon ang kanilang ginagawa,
Hindi magawang tumigil, hindi maisipang magsawa.
Pagal nilang katawan, kama lang ang nakakaramdam,
Hapdi nilang dinaranas, tanging haligi ang may alam.
At sa pag-uwi nila’y santambak ang pasalubong,
Chocolates at pabango, lahat nais sumalubong.
Hindi man lamang naisip kung ano’ng hirap nila,
Sarili’y ibinenta para kumita ng pera.
(July 30, 2009)
Biyernes, Hulyo 24, 2009
BUHAY BUHAY 7
PARAAN
ni sanilyn gianan
sinisipi ko ang libro
ng karunungan
binubuksan ko ang
kanilang kahalagahan
sa mundo kong
may kaguluhan
ang apg-aaral ko nga ba'y
may kabuluhan?
anong paraan ako
makagagaan
sa mga kanayon kong
nahihirapan
sa sistema ng ating pamahalaan
may pag-asa pa ba
kaming mga kabataan
makawala sa mundong may karupukan
makawala sa mundong sa kakaunti
lang ang may kapakanan....
--
kabilang sa tatlong "P'
na hinalo sa utak kong sawi.
Miyerkules, Hulyo 22, 2009
BUHAY BUHAY 6
sinong naiwan sa kanila?
ni sanilyn gianan
ni sanilyn gianan
narito kayong lahat
ngunit sinong naiwan sa kanila?
humihinga ng hanging
mas malamig dahil sa niyebe
habang sila'y nagtitiis
sa usok na panghele
naghahanap ng luntiang paligid
sila nama'y tumataya
na sa biyaya ng pagmamasid
narito kayong lahat
ngunit sinong naiwan sa kanila?
silang halos di na makahinga?
silang nababatikos na maralita?
silang gumagapang, kumakahig
namumuhay higit pa sa daga?
wala ba kayong kamay na
pang aruga?
malayo nga pala tayo
malayo sa kanila.....
Miyerkules, Hulyo 15, 2009
BUHAY BUHAY 5
Limang Tanaga ng Pagmumuni
Ni KA EZZARD GILBANG
BUHAY NGA NAMAN
May pahila-hilatang
may sahod na biyaya,
at may halos makubang
daliri’ng nginunguya!
KABALINTUNAAN
Nang sa sakit naratay
pagkai’y umaapaw,
sa may panlasang gutom;
wala man lang ni tutong!
KAMAY
Kung haplos, dumadamay.
Kumakaway, kung paalam.
Nanunumpa, kung tunay.
Kamao, kung lumaban!
PANSAMANTALA
Kinang na kumikislap
maglalaho’t kukupas;
Bubot man na bulaklak,
bukas ay mapipigtas!
ISA PANG KABALINTUNAAN
Nang masigla’t malakas
ay ayaw makausap,
nang mata ay mapikit
ay tinatanong pilit!
BUHAY BUHAY 4
Kawawa Ka Naman
NI KA EZZARD GILBANG
Ang isang atorni’y tatawid sa ilog,
suot ang sombrero, may tungkod, sapatos.
Bangkero’y tinawag sa kaway at sutsot,
at agad sumakay sa bangkang dumulog.
Ang bangkang maliit, marahang naglakbay
na tiyak ang gaod ng bisig na sanay
ng mamang ang paa’y ni walang sapin man,
wala ring salakot o pandong man lamang.
Atorni’y nagtanong; o mamang bangkero,
ikaw ba’y may alam sa batas-gobyerno,
sa batas na sibil o batas pantao?
Bangkero’y tumugon; wala po, ginoo.
Kawawa ka naman ang tugon ng una;
magkuwenta marahil, ikaw’y ma’y alam na,
di kaya’y mag-ingles, sa titser na gaya,
magbilang, magsulat, gumuhit, magbasa?
Ngumiting marahan ang pobreng tinanong;
wala po ni konti, ang kagyat ‘tinugon.
Ako po’y bangkerong sa buong maghapon,
kakambal ko’y sagwan, katabi ko’y timon.
Kawawa ka naman, di mo pa nasubok
sa korte’y tumayo’t bumigkas, lumahok
sa mga tagisan ng utak at ulos
ng mga salitang di mo pa naarok!
Bangkero’y nangusap: matanong ko kayo,
marunong ba kayong lumangoy, ginoo?
Umiling kawasa atorning nalito’t
sabi ng bangkero’y lulubog po tayo!
BAGONG TAON
R e s o l u s y o n
NI KA EZZARD GILBANG
Tahimik na ang mga paputok,
tinangay na ang usok at kalat;
hindi parin makaimik ang nagpuputok
na hinanakit sa mabilis na patak ng metro;
sa patumpik na usad ng hustisya;
sa pagtapak sa maliliit;
sa pagtupok sa pangarap;
sa pagpitik sa mga walang sinasabi;
sa pagputak ng mga may boses;
Nagkalat ang putik sa pulitika.
Nagkalat ang patok na modus.
Nagkalat ang tapik at lagay.
Kailangan ang tubig at paghuhugas
sana'y umulan kahit hindi bagong taon.
BUHAY BUHAY 3
At pinagtatagni-tagni
ang pingas-pingas na tula
ng bubungang dalamhati.
Barong-barong ng Talinghaga
NI KA EZZARD GILBANG
Pinagkrus ang talinghaga
at tahila'y naitundos
na haliging puro luha.
Ang salitang nauupos
iniladlad na himutok
na dingding ng diwang kapos.
At sa sahig hinuhutok
ang paksaing nalalagas
sa hagdanang anong dupok.
Ngunit h'wag ding mangangahas
pumasok sa pintong agnas!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Maki-isa ka
- PAGKAMULAT
- Philippines
- Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com