Miyerkules, Hulyo 15, 2009

BUHAY BUHAY 4


Kawawa Ka Naman


NI KA EZZARD GILBANG


Ang isang atorni’y tatawid sa ilog,
suot ang sombrero, may tungkod, sapatos.
Bangkero’y tinawag sa kaway at sutsot,
at agad sumakay sa bangkang dumulog.

Ang bangkang maliit, marahang naglakbay
na tiyak ang gaod ng bisig na sanay
ng mamang ang paa’y ni walang sapin man,
wala ring salakot o pandong man lamang.

Atorni’y nagtanong; o mamang bangkero,
ikaw ba’y may alam sa batas-gobyerno,
sa batas na sibil o batas pantao?
Bangkero’y tumugon; wala po, ginoo.

Kawawa ka naman ang tugon ng una;
magkuwenta marahil, ikaw’y ma’y alam na,
di kaya’y mag-ingles, sa titser na gaya,
magbilang, magsulat, gumuhit, magbasa?

Ngumiting marahan ang pobreng tinanong;
wala po ni konti, ang kagyat ‘tinugon.
Ako po’y bangkerong sa buong maghapon,
kakambal ko’y sagwan, katabi ko’y timon.

Kawawa ka naman, di mo pa nasubok
sa korte’y tumayo’t bumigkas, lumahok
sa mga tagisan ng utak at ulos
ng mga salitang di mo pa naarok!

Bangkero’y nangusap: matanong ko kayo,
marunong ba kayong lumangoy, ginoo?
Umiling kawasa atorning nalito’t
sabi ng bangkero’y lulubog po tayo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com