Sabado, Hunyo 27, 2009

KaTaRuNgaN 1


Panawagan kay Ginang Justitia
(collaboration)

by:rhea stone & jesrael rivera


O, Aleng may tangan
ng timbangan ng katarungan,
pagkiling ng 'yong sukatan
ay huwag mong pahintulutan.

sa iyong timbangan nakalaan

itong kinabukasan ng ating bayan

timbangin na maigi wag nawang magkulang

wag ding magmalabis kung kinakailangan

Ebidensya'y matiyagang apuhapin,
Buong sikap na siyasatin,
At saka maingat na timbangin.
Ang nagkasala ang siya mong usigin.



di hutukin na iyong hanapin

wag nawang sa kamay mo patakasin

yaong may sala't mga buhong salarin

matuwid na parusa sa kanila'y pakamtin


Itarak ang hawak na espada
sa taong puno ng lisya.
Tagpasin ang kasamaang taglay niya
nang 'di na makapaminsala pa
.


at kung mapaghulo tunay na may sala

katarunga'y dapat ilapat ng malaya

espadang malinis kikilos at gagawa

linisin itong madlang nagkasala


O, Ginang Justitia,
ikaw na nakapiring ang mga mata,
huwag kang magpa-impluwensya
sa yaman at kapangyarihan nilang nagkasala.


wag ka nawang masilaw sa kinang nitong pilak

sa kapangyarihan nila'y wag ka nawang pahadlang

kung kanila ngang gamiting ubos lakas

panaigin mo nawa ang tunay at nararapat


Huwag din naman sana
sa timbanga'y magkamali ka ng basa
o maitarak sa walang sala
ang talim ng 'yong espada.


at kung yaong aba't sinawing palad

kung sa iyo'y dumulog at halos pumalahaw

sa paghanap ng katarungang mainam

wag ipagdamot ibigay ang nararapat.

KALAYAAN 1


Sa Dilim ng Gabi(ni: jesrael rivera)


natigmak sa dugo ang lupa kagabi

pagka't magigiting ay di napagapi

kung sukd'ang kay'langan buhay ang ibuwis

wag lang ipagupo kalayaang mithi

ay gagawing walang tigatig sa dibdib

sa ngalan ng bayang, lubos iniibig


kagabi nagkalat ang bangkay sa daan

katawa'y nilarot ng punlo at tabak

himagsik ng lahi ituloy ang laban

mamatay ay tunay,ligayang kay inam

kapalaluan ay t'yak na mapaparam

kasarinlan din ay,lapit ng matanaw


kagabi ay aking minasdang mabuti

ang mabunying araw at tatlong bituin

kaninang umaga ng ito'y tanawin

pinagpupugayan ng buong taimtim

doon sa palasyo,pinuno't kawani

sumasaludo pang nagagalak man din


ngunit ng sumapit na muli ang lagim

sa dilim na kalat sa langit ang dilim

kalayaan nating tinubos ng sawi

tila ata bigla sa mali nauwi

kalayaa'y gamit sa pagmamalupit

hikahos na bayan,lalo pang sinawi


tumitig ka't ngayon lalo pang tumitindi

sangkaterba nga ang ganid at masakim

ngayon di lang dayo ang mga nanlulupig

bagkus pati na nga kabayan pa natin

naluklok sa pwesto aba't di papigil

maging yamang bayan ay kan'yang inangkin.


mga anak ni inang bayang minamahal

maging sila sila ay nagpapatayan

prinsipyo laban sa prinsipyong matatag

kamatayan para sa mga sasalungat

di ata hinuha mga pinagpagalan

dugo,luha't pawis ng bayaning mahal.


kung di rin lang tayo ang magtutulungan

at sino pa nga bang ating aasahan?

atin nang linisin putik sa watawat

na dulot ng dilim sa gabing nagdaan

ang tatlong bituin di dapat watak

ng maging maningning at mamusilak.


ang bughaw na kulay ay panatilihin


payapa't malinis na ating hangarin

may tingkad ng pulang dugo ng magiting

kalayaang bigay ng ninuno natin

may laan ang bukas,pag-asang kakamtin

at tayo'y di na nga muling pabubulid......





sa dilim ng gabing ang hari ay lagim.





Pilipino, Tunay ka bang Malaya?(ni: rhea stone)


Walang umento sa sahod ng mga obrero
Milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho
Naragdagan ang presyo ng produktong petrolyo
Lumiit ang pondo ng panlipunang serbisyo


(Pilipino, ikaw ba ay tunay na malaya,
sa kahirapan ba'y tuluyan nang nakawala?)


Lumalabang manggagawa ay biglang nawala
Silang tumuligsa'y pinaslang nang walang awa
Binusalan ang bibig ng mga lider-masa
Hindi pinakinggan daing nilang nagdurusa


(Pilipino, nakamit mo ba ang kalayaan,
wala bang sumusupil sa iyong karapatan?)


Upang manatili sa hawak niyang posisyon,
tusong pangulo ay nakakita ng solusyon:
"Isulong ang pagpapalit sa 'ting konstitusyon
nang ang pamumunong muli'y hindi na makwest'yon!"


(Pilipino, ang kalayaan mo ba ay wagas,
ngayong ang pangulo'y niluluto na ang CON ASS?)




KAILAN ni:jesrael rivera


natutulog pa sila,nahihimbing pa ata

kaya tuloy usad pagong itong ating sistema

hihinga ng kaunti sunod ay hibik

puno ng hirap naiipon sa dibdib.


may sapot na ata kanilang kukote

ngiti ang sagot sa palpak na diskarte

bayan laging ginagawang pasaporte

sa ambisyong maiayos kanilang imahe.


bulok nga lagi ang ating aanihin

kung ang magsasaka ay itong mga haling,

kailan matatapos,kailan matitigil?

sinong pipigil sa maling hangarin?

PAGKAMULAT


Isang sa gabi / Sa higaan / Ako’y nakarinig / Ng huni ng isang ibon / Akala ko’y / Panaginip lang / Ngunit hindi / Ang iyong boses / Ang siya palang napapakinggan / Dagli akong bumalikwas / At mga mata’y iminulat / Madilim na paligid ay aking sinuri’t siniyasat…
- Salin-awit ng Sarong Banggui – isang awiting Bicolnon



Si Inang Bayan, magpahanggang ngayon, ay nananatili sa nakakabulag na kadiliman. Ang sigaw niya’y pagtangis na umaasang makapagpapabagabag sa mga anak niyang nanatiling nakaidlip.
Sa sinamang palad, ang kanyang pagtangis ay hindi lubusang naririnig. Kung may makarinig man ay iilan lang. Ang iba pa nga’y nagbibingi-bingihan at ilan lang sa mga nakakarinig ang bumabangon at nagmumulat ng kanilang mga mata -- upang suriin ang kapaligiran at tukuyin ang mga nagpapahirap sa Inang Bayan.
Ang sayt na ito ay naglalayong makapag-ambag ng boses sa Inang Bayan. Upang ang kanyang pagtangis ay mas mapakinggan. Upang ang makarinig ay kusang bumangon mula sa matagal nang pagkakaidlip at mahikayat na pag-aralan ang kanyang lipunan.
Upang maging ganap ang layunin na ito, kami sa pangalan ng makabuluhang panunulat, ay nag-aanyaya sa mga makatang Filipino at may malikhaing kaisipan na mag-ambag ng kanilang akda. Mga makatang ang isinasalarawan sa kanilang panitikan at obrang sining ay ang karanasan ni Inang Bayan sa kamay ng mga taksil at gahaman.
Umaasa kami na sa ganitong paraan ay maisusulong natin ang makabuluhang panulaan at muling maipamamandila ang ating kakayahang magmalasakit sa kalagayan ni Inang Bayan. Upang kahit papaano ay makaantig, makapagpamulat at makapagpakilos tunggo sa pagpapagindapat ng maginhawang bukas.
Sama-sama nating isulong at buhayin ang panitikan na nagsasaalang-alang sa kagalingan ng ating sambayanan!
Mabuhay po kayo!

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com