Sabado, Hunyo 27, 2009

PAGKAMULAT


Isang sa gabi / Sa higaan / Ako’y nakarinig / Ng huni ng isang ibon / Akala ko’y / Panaginip lang / Ngunit hindi / Ang iyong boses / Ang siya palang napapakinggan / Dagli akong bumalikwas / At mga mata’y iminulat / Madilim na paligid ay aking sinuri’t siniyasat…
- Salin-awit ng Sarong Banggui – isang awiting Bicolnon



Si Inang Bayan, magpahanggang ngayon, ay nananatili sa nakakabulag na kadiliman. Ang sigaw niya’y pagtangis na umaasang makapagpapabagabag sa mga anak niyang nanatiling nakaidlip.
Sa sinamang palad, ang kanyang pagtangis ay hindi lubusang naririnig. Kung may makarinig man ay iilan lang. Ang iba pa nga’y nagbibingi-bingihan at ilan lang sa mga nakakarinig ang bumabangon at nagmumulat ng kanilang mga mata -- upang suriin ang kapaligiran at tukuyin ang mga nagpapahirap sa Inang Bayan.
Ang sayt na ito ay naglalayong makapag-ambag ng boses sa Inang Bayan. Upang ang kanyang pagtangis ay mas mapakinggan. Upang ang makarinig ay kusang bumangon mula sa matagal nang pagkakaidlip at mahikayat na pag-aralan ang kanyang lipunan.
Upang maging ganap ang layunin na ito, kami sa pangalan ng makabuluhang panunulat, ay nag-aanyaya sa mga makatang Filipino at may malikhaing kaisipan na mag-ambag ng kanilang akda. Mga makatang ang isinasalarawan sa kanilang panitikan at obrang sining ay ang karanasan ni Inang Bayan sa kamay ng mga taksil at gahaman.
Umaasa kami na sa ganitong paraan ay maisusulong natin ang makabuluhang panulaan at muling maipamamandila ang ating kakayahang magmalasakit sa kalagayan ni Inang Bayan. Upang kahit papaano ay makaantig, makapagpamulat at makapagpakilos tunggo sa pagpapagindapat ng maginhawang bukas.
Sama-sama nating isulong at buhayin ang panitikan na nagsasaalang-alang sa kagalingan ng ating sambayanan!
Mabuhay po kayo!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com