Sabado, Hunyo 27, 2009

KALAYAAN 1


Sa Dilim ng Gabi(ni: jesrael rivera)


natigmak sa dugo ang lupa kagabi

pagka't magigiting ay di napagapi

kung sukd'ang kay'langan buhay ang ibuwis

wag lang ipagupo kalayaang mithi

ay gagawing walang tigatig sa dibdib

sa ngalan ng bayang, lubos iniibig


kagabi nagkalat ang bangkay sa daan

katawa'y nilarot ng punlo at tabak

himagsik ng lahi ituloy ang laban

mamatay ay tunay,ligayang kay inam

kapalaluan ay t'yak na mapaparam

kasarinlan din ay,lapit ng matanaw


kagabi ay aking minasdang mabuti

ang mabunying araw at tatlong bituin

kaninang umaga ng ito'y tanawin

pinagpupugayan ng buong taimtim

doon sa palasyo,pinuno't kawani

sumasaludo pang nagagalak man din


ngunit ng sumapit na muli ang lagim

sa dilim na kalat sa langit ang dilim

kalayaan nating tinubos ng sawi

tila ata bigla sa mali nauwi

kalayaa'y gamit sa pagmamalupit

hikahos na bayan,lalo pang sinawi


tumitig ka't ngayon lalo pang tumitindi

sangkaterba nga ang ganid at masakim

ngayon di lang dayo ang mga nanlulupig

bagkus pati na nga kabayan pa natin

naluklok sa pwesto aba't di papigil

maging yamang bayan ay kan'yang inangkin.


mga anak ni inang bayang minamahal

maging sila sila ay nagpapatayan

prinsipyo laban sa prinsipyong matatag

kamatayan para sa mga sasalungat

di ata hinuha mga pinagpagalan

dugo,luha't pawis ng bayaning mahal.


kung di rin lang tayo ang magtutulungan

at sino pa nga bang ating aasahan?

atin nang linisin putik sa watawat

na dulot ng dilim sa gabing nagdaan

ang tatlong bituin di dapat watak

ng maging maningning at mamusilak.


ang bughaw na kulay ay panatilihin


payapa't malinis na ating hangarin

may tingkad ng pulang dugo ng magiting

kalayaang bigay ng ninuno natin

may laan ang bukas,pag-asang kakamtin

at tayo'y di na nga muling pabubulid......





sa dilim ng gabing ang hari ay lagim.





Pilipino, Tunay ka bang Malaya?(ni: rhea stone)


Walang umento sa sahod ng mga obrero
Milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho
Naragdagan ang presyo ng produktong petrolyo
Lumiit ang pondo ng panlipunang serbisyo


(Pilipino, ikaw ba ay tunay na malaya,
sa kahirapan ba'y tuluyan nang nakawala?)


Lumalabang manggagawa ay biglang nawala
Silang tumuligsa'y pinaslang nang walang awa
Binusalan ang bibig ng mga lider-masa
Hindi pinakinggan daing nilang nagdurusa


(Pilipino, nakamit mo ba ang kalayaan,
wala bang sumusupil sa iyong karapatan?)


Upang manatili sa hawak niyang posisyon,
tusong pangulo ay nakakita ng solusyon:
"Isulong ang pagpapalit sa 'ting konstitusyon
nang ang pamumunong muli'y hindi na makwest'yon!"


(Pilipino, ang kalayaan mo ba ay wagas,
ngayong ang pangulo'y niluluto na ang CON ASS?)




KAILAN ni:jesrael rivera


natutulog pa sila,nahihimbing pa ata

kaya tuloy usad pagong itong ating sistema

hihinga ng kaunti sunod ay hibik

puno ng hirap naiipon sa dibdib.


may sapot na ata kanilang kukote

ngiti ang sagot sa palpak na diskarte

bayan laging ginagawang pasaporte

sa ambisyong maiayos kanilang imahe.


bulok nga lagi ang ating aanihin

kung ang magsasaka ay itong mga haling,

kailan matatapos,kailan matitigil?

sinong pipigil sa maling hangarin?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com