Biyernes, Hulyo 24, 2009

BUHAY BUHAY 7



PARAAN
ni sanilyn gianan

sinisipi ko ang libro
ng karunungan
binubuksan ko ang
kanilang kahalagahan

sa mundo kong
may kaguluhan
ang apg-aaral ko nga ba'y
may kabuluhan?

anong paraan ako
makagagaan
sa mga kanayon kong
nahihirapan
sa sistema ng ating pamahalaan

may pag-asa pa ba
kaming mga kabataan
makawala sa mundong may karupukan
makawala sa mundong sa kakaunti
lang ang may kapakanan....

--
kabilang sa tatlong "P'
na hinalo sa utak kong sawi.

Miyerkules, Hulyo 22, 2009

BUHAY BUHAY 6


sinong naiwan sa kanila?
ni sanilyn gianan


narito kayong lahat

ngunit sinong naiwan sa kanila?


humihinga ng hanging

mas malamig dahil sa niyebe

habang sila'y nagtitiis

sa usok na panghele


naghahanap ng luntiang paligid

sila nama'y tumataya

na sa biyaya ng pagmamasid


narito kayong lahat

ngunit sinong naiwan sa kanila?


silang halos di na makahinga?


silang nababatikos na maralita?

silang gumagapang, kumakahig

namumuhay higit pa sa daga?


wala ba kayong kamay na

pang aruga?


malayo nga pala tayo

malayo sa kanila.....

Miyerkules, Hulyo 15, 2009

BUHAY BUHAY 5




Limang Tanaga ng Pagmumuni


Ni KA EZZARD GILBANG


BUHAY NGA NAMAN
May pahila-hilatang
may sahod na biyaya,
at may halos makubang
daliri’ng nginunguya!

KABALINTUNAAN
Nang sa sakit naratay
pagkai’y umaapaw,
sa may panlasang gutom;
wala man lang ni tutong!

KAMAY
Kung haplos, dumadamay.
Kumakaway, kung paalam.
Nanunumpa, kung tunay.
Kamao, kung lumaban!

PANSAMANTALA
Kinang na kumikislap
maglalaho’t kukupas;
Bubot man na bulaklak,
bukas ay mapipigtas!

ISA PANG KABALINTUNAAN
Nang masigla’t malakas
ay ayaw makausap,
nang mata ay mapikit
ay tinatanong pilit!

BUHAY BUHAY 4


Kawawa Ka Naman


NI KA EZZARD GILBANG


Ang isang atorni’y tatawid sa ilog,
suot ang sombrero, may tungkod, sapatos.
Bangkero’y tinawag sa kaway at sutsot,
at agad sumakay sa bangkang dumulog.

Ang bangkang maliit, marahang naglakbay
na tiyak ang gaod ng bisig na sanay
ng mamang ang paa’y ni walang sapin man,
wala ring salakot o pandong man lamang.

Atorni’y nagtanong; o mamang bangkero,
ikaw ba’y may alam sa batas-gobyerno,
sa batas na sibil o batas pantao?
Bangkero’y tumugon; wala po, ginoo.

Kawawa ka naman ang tugon ng una;
magkuwenta marahil, ikaw’y ma’y alam na,
di kaya’y mag-ingles, sa titser na gaya,
magbilang, magsulat, gumuhit, magbasa?

Ngumiting marahan ang pobreng tinanong;
wala po ni konti, ang kagyat ‘tinugon.
Ako po’y bangkerong sa buong maghapon,
kakambal ko’y sagwan, katabi ko’y timon.

Kawawa ka naman, di mo pa nasubok
sa korte’y tumayo’t bumigkas, lumahok
sa mga tagisan ng utak at ulos
ng mga salitang di mo pa naarok!

Bangkero’y nangusap: matanong ko kayo,
marunong ba kayong lumangoy, ginoo?
Umiling kawasa atorning nalito’t
sabi ng bangkero’y lulubog po tayo!

BAGONG TAON


R e s o l u s y o n


NI KA EZZARD GILBANG


Tahimik na ang mga paputok,

tinangay na ang usok at kalat;

hindi parin makaimik ang nagpuputok

na hinanakit sa mabilis na patak ng metro;

sa patumpik na usad ng hustisya;

sa pagtapak sa maliliit;

sa pagtupok sa pangarap;

sa pagpitik sa mga walang sinasabi;

sa pagputak ng mga may boses;

Nagkalat ang putik sa pulitika.

Nagkalat ang patok na modus.

Nagkalat ang tapik at lagay.

Kailangan ang tubig at paghuhugas

sana'y umulan kahit hindi bagong taon.

BUHAY BUHAY 3


At pinagtatagni-tagni
ang pingas-pingas na tula
ng bubungang dalamhati.


Barong-barong ng Talinghaga


NI KA EZZARD GILBANG


Pinagkrus ang talinghaga
at tahila'y naitundos
na haliging puro luha.

Ang salitang nauupos
iniladlad na himutok
na dingding ng diwang kapos.

At sa sahig hinuhutok
ang paksaing nalalagas
sa hagdanang anong dupok.

Ngunit h'wag ding mangangahas
pumasok sa pintong agnas!

RELIHIYON at PANINIWALA



P a n a t ( i k o ) a
ni KA EZZARD GILBANG


Payak ang pakay
ng debosyon:
Pananalig
sa itim na imahen.

Yapak ang mga paa;
yakap ang panatang
inaakay ng hangaring
maging deboto
ng itim na imahen.

Tiim ang hininga;
minimithing makalapit,
makakapit kahit sa lubid,
maidampi kahit ang dulo ng daliri
sa itim na imahen.

Hinahamon ang tulak,
gitgit, ipit at apak
upang makasingit
sa daipit na sulak at lusak
na karagatan ng mga debotong
ang balani ng uli-uling nasa gitna
ay itim na imahen.

Samantalang hinahalukay
ang sungaw, singaw, sigaw,
sayaw, saway, laway, away,
nakaw, bugaw, agaw, lugaw;
ang itim na imahen
ay hindi nangangalay
at hindi nagmamalay
sa krus na pasan-pasan
habang inaakay
sa maluwang na lansangan.

TRAHEDYA/KALAMIDAD atbp.


Tumalon ang Imahen


ni KA EZZARD GILBANG


Anim na talampakan

ang taas ng konkretong imahen

na inilalabas sa isang bukas na balkonahe.

Taon-taong inilalabas

sa tuwing sasapit ang kapistahan.

Nakatungo ang imahen.

Tinutunghan ang mga naglalakad

sa ibabang daan na nayuyungyungan

ng konkretong beranda na may labinlimang

talampakan ang taas.

Taon-taon itong ginagawa ng may-ari.

Taon-taon, sa tuwing pista.

Ano't ngayong araw ng kapistahan,

nahulugan nito ang isang batang babae

na dagling namatay?

Sagot ng may-ari: Naghimala ang imahen!


(
sinampahan yata ng assiduousness ang may-ari, hindi man lang daw kasi nakatali yung imahen, 4 years old yung batang babae, sa Tondo nangyari.)

BUHAY BUHAY 2



Sa Lansangan ng Pakikihamok


ni KA EZZARD GILBANG

Pahaw ang halukay ng ingay-isteryo,
Humalo sa putok ng nagmamaneho.
Nagkanda-sunganga, mga pasahero
sa pabiglang preno't harurot-barako,
"Baboy ba sakay mo?" hiyaw ng kabado.

Saglit na huminto doon sa fly-over,
Dito, Lagro! Lagro! Ang sigaw ng barker,
'pahinga na tatang!' ang taboy ng drayber.
Ang pobreng matanda'y biglang napailing,
Bumulong, ang sabi, "ikaw’y tatanda rin!"

Tatlo ang pumanhik, may batang sumabit,
Sa loob ng dyipni'y agad na sumingit
Saka dinampian ng basaha't pilit
Na pinagkukuskos, paang malilinis.
"Ay bastos na bata!", ang gulat ng misis.

Ang batang lansangan pagkuwa'y lumuhod,
Nagsahod ng palad, doon namalimos.
Hindi s’ya pinansin, wala mang nag-abot,
Walang umiimik kahit na gaputok,
Liban sa tambutso na humaharurot.

Ang bata'y umupo sa isahang baytang,
Ang mata'y lumikot at nakikiramdam,
Ang maruming plastik, dinukot sa beywang
Pagdaka’y sininghot ang solvent na laman.
Ang sabi ng mama, " hoy boy, bawal iyan."

Saglit na kumalma ang pagtakbo ng dyip,
Agad kumalampag, palaboy na paslit,
Umiyak ang preno na nakatutulig,
Sa dyipni'y lumukso, bata'y tumalilis
Ang sigaw ng ale, "Bag ko! Bag ko! Pulis!!"

Halalan 2


At nang ibinoto ng bobo ang ngising aso sa Gobyerno
Ni Madaket millie(andy kelly baring)

Ba't di kaya sila magka-diabetes
sa laway na puhunang ubod ng tamis?
ang mga sawang sa balat-kayo'y nagsipagbihis
na s'yang lilingkis sa mga maralita't anak pawis

Balak pa atang 'pinas ilagay sa guiness
pinakamalaking kalsada sa whole universe
sa mga kalsada ng paulit-ulit na pagpromise
at panloloko sa baya't pangungurakot ng milyones

Pondo ng baya'y patuloy na kinamkam
ng mga bundat na buwayang uhaw sa kapangyarihan
kapakanan ni juan tuloy napabayaan
ang sasarap nilang i-uppercut sa t'yan!

Sa mga balota'y ba't pangalan mong nailagay
dahil sa aking kabobohan,sa pagpili'y sumablay
buti na lang, aking lesson ay agad natutunan,
sorry ka na lang dahil sa susunod na botohan....

-MA-ZERO KA SANA SA BILANGAN!

Martes, Hulyo 14, 2009

Manggagawa 2


pawis
ni sanilyn gianan


ang puhunan mo

sa araw-araw;

ang paglalakad sa

init ng araw.

di alintana

sagana sa alikabok

,sa kitang kakarampot

para sa kanila'y

nagkukumahog.


dala-dala'y, maliit

na lalagyan

mainit na

kaning pantanghalian;

ang tuwalya'y lagi mong

pasan-

sa bunbunan mayroong tahanan.


sakali mang maligaw

sa paghahakot ng grabang malabnaw

at ang usok sa daan

ng mala-abong paligid

sa paglunok mo'y kapiling

kasama ang tubig pampatid uhaw


pagdating ng dapit hapon

unti-unting nilalamon

ng dilim, ang maliit na

bahay, parang kumon.

Pagdaka'y tatayo ka't

pawis mo'y pahid

ng tuwalyang maasim


kahit na

kahit pa.

sa pag-uwi nama'y

mayroong maglalambing.

Kabayan Sa Ibang bayan 3




OASIS SA ARKIPELAGO
ni sanilyn gianan

naghahanap ng oasis

kung bakit naman kasi

kailangang umalis



gayong di
naman kailangang tumangis



dahil




hinahanap na karampot na tubig

sa disyerto,





ang arkipelago natin,

pinapalibutan nito...


---habang nasa gitna ng diskusyon ng RA 8042....sa klase

Linggo, Hulyo 12, 2009

Patungkol sa Bayan at sa ating mga kabayan 1



DYANITOR PLS.
ni Madaket Millie(andy kelly baring)

Patuloy na kahirapan sa kanila'y isinusumbat
kawatan ng bayan ipinipilit itatak
sa bawat biktimang hinihikayat

na patuloy na sikilin ang mga katulad ni ERAP


Mabagal na pag-asenso at makupad na pag-usad

sila ang may kasalanan at dapat magbayad

sarili'y pilit inihihiwalay sa lambat
at 'di raw kasali sa anomalyang nagaganap


galit sa sistemang bulok at ayaw na sa 'Pinas

ang daliring nandurong sa kasalanan ay ligtas

milagrong ewan sa langit hinihiling na bumagsak

ngunit walang ginagawang hakbang para ito'y matupad.


Ikaw at ako na ginagawang pamunas ang watawat
ay dapat nang linisin ang bawat kalat
ng ating bayang patuloy na isinasadlak

ng kamangmangan at katangahan nating lahat.

Kabayan Sa ibang bayan 2



Hangang Kelan Mangingibang-bayan Si Kabayan

ni journeyman


Si kabayang Mang Gusting kilala sa kampo namin
Puti na lahat ng buhok ngunit nagta-trabaho pa rin.


Minsan isang hapon siya’y aking tinanong
Me mapag-usapan lang sa nakakainip na panahon.


"Kabayan, kelan ba kayo titigil sa pangingibang bayan?"
"Kaibigan, hangang May na lang" kaniyang tugon naman.


Mabuti pa itong si Kabayan sa takdang panahon
Iiwan ang Saudi’t sa Pilipinas mananatili na dun.


Meron akong kilala sa may lakan diyan nakatira
Ang kapal ng mukha ayaw na yatang bumaba.


Pamumuno niya’y punong-puno ng kontrobersiya,
Kilalang-kilala siya sa panggugulang at pandaraya.


Sa isip ay muling binalikan mga eskandalong
Kaniyang kinasasangkutan, patuloy na tinatalikuran.


Paano nga ba siya naluklok ulit sa puwesto?
Oo nga pala salamat ng marami kay Garcillano.


Sino ba ang pasimuno ng jueteng sa Pampanga?
Kung hindi niya alam matagal na sanang nawala.


Ilan bang mga ama’t ina ang sa gabi’y tumatangis
Biktima ng summary execution kanilang nami-miss?


Anong nangyari sa OWWA Fund na sana’y pantulong
Sa mga kababayang napariwara at inabuso ng among?


Sa’n napunta fertilizer fund para sa mga magsasaka
Meron bang nakulong, si Jocjoc naparusahan na ba?


Ano bang kalye sa Pilipinas ang pinakamahal
Di ba’t ang pinagpipitagang hi-way Macapagal?


Sino ang makalilimot sa isyu ng ZTE/NBN
Bakit si Lozada ang me kaso at idinidiin?


Meron bang napahiya ng ipagsigawan ng WB sa mundo
Ang tuwirang pamumorsiyento ng mga taong gobyerno?


Masyado na palang naglalakbay ang aking kaisipan
Sa di malamang dahilan muling tinanong si kabayan


"Kabayan, hangang kelan ka ba mangingibang-bayan?"
"Hangang May na lang kaibigan." muling tugon niya.


"Hangang "May"-langis sa Saudi at habang ang ating bayan
Ay "May"-roong nararanasang pagka-duhagi at kahirapan."

Katarungan 2


Hustisya

Ni Ruth Mostrales


KUng umiyak ang mga dehado'y paminsan minsan ---

Sino ang may bitbit sa

Kung umiyak ang mga dehado’y paminsan ---

Hustisya!

Pati mga inosente’y tumatangis sa piitan ---

Hustisya!


sino ang may bitbit ng timbangan?

Hustisya!

May mga sisiw na ‘di makaahon sa kailaliman,

Sino ang tinimbang ngunit kulang?

Hustisya!

May mga agilang nalalasing sa kapalaluan.

Ang mga maliliit ay walang madulugan ---

Ang hustisya’y sa malalaki lang ba nakalaan?


Matatapos din ang araw nilang mga sakim!

Ang tunay na hustisya’y ibibigay din

Sa kanilang inalipin ng iskemang kumikindat Sa mga bigatin ---

sa liyab ng asupre ay gugulong Ang mga kampon ng dilim.

Huwebes, Hulyo 9, 2009

Kabayan Sa ibang bayan 1



Kapalit ng Dolyar

ni journeyman


Sa Taiwan ay may
Titser
na naghihintay
naghihintay
sa bilangguan
ng kanyang kamatayan
kanyang kamatayan.

Noong isang linggo naman ay
may binitay
binitay
sa Saudi Arabia
Tatlo pang Filipino
ang naka-linya sa bitay
sa bitay
at tatlo rin ang may
sampung taon na sintensya
sampung taong
sintensiya.

Ito ang mga trahedya
na sinusuong
trahedyang sinusuong
ng mga Filipino
na nangingibang bansa para magtrabaho
mag-trabaho.

Ang hirap sa kanilang kalagayan
hirap na kalagayan
wala kang kalaban-laban
wala kang kamag-anak
wala kang mga kaibigan
na tutulong sa iyo
walang tutulong sa iyo.

Ang dami ng nakaka-bagbag nakaka-bagbag na damdaming kuwento ng ating mga kababayang OFW OFW ngunit ang nakakalungkot nakakalungkot kahit ganun ka miserable ang buhay nila miserable ang buhay nila ayaw nilang umuwi dahil mas mahirap ang buhay mas mahirap ang buhay mahirap ang buhay dito

Lunes, Hulyo 6, 2009

Halalan 1


Sa Halalan
ni jesrael rivera

Nagkalat na naman, sa kahit saan
panay kaway, panay kamay

talo pa artistang panginternasyonal
blockbuster ang poster sa bawat daan

wala pa man ang araw panay na ang pasada
tambak ang ads, kahit saan makikita

panay pa-gwapo panay pabida

pulitikong sana'y gumawa ng eksena


merong sige sa pamumudmod ng pera

merong ding nagmumukhang kwela

merong halos magmukhang kawawa
para lang makuha ang simpatiya ng masa


kanya kanyang gimik at drama
kanya kanya ang pakulo't plataporma
pero ng maupo't magumpisang magmani-obra

sagot niya "sige kanya kanya na muna"


talagang sa eleksyon puno ng kapalpakan

kasamaa'y nagkalat sa araw ng botohan
sana sa susunod maaus ang halalan
ng di naman maghirap itong ating inang bayan.

Linggo, Hulyo 5, 2009

KaLaYAAN 2


DOSE
ni sanilyn gianan

ang ilan ay tumitingala sa kaulapan
habang ang mga kamay ay lapat at dibdiban
tagatak sa pawis ang init ng silanganan
naroon sa itaas ang bandila ng bayan

lahat pilipino ang kumakandili dito
kayumangging kaligatan ang pasimuno
hinabi ang telang may tamis, haplos at ngiti
tatlong bituin, isang araw, namamayani

ilang dantaon na nga ba ang nakakalipas
totoo na bang tayo nga ay nakaalpas sa
tanikala, paghihirap at pagmamataas
tunay na tunay bang lahing ito ay matikas?

natutunan na ba nating pahalagahan ang
kulay ng kalayaan kahit may kapusyawan?
o damahin mo ng husto ang Lupang Hinirang
awit ni Inang sa'yo'y may pag-asang paggalang?

Husto na sana ang pag-iwas sa suliranin
sa mga di nakakatulong sa bansa natin
Kumandili muli sa talino ng magiting,
Buong tapang ng puso, sila nga ay harapin

Ibangon ang lakas at loob ng Pilipino
Kahit ilang sigwa na at gulo ang natamo
Hayaan muling bumuo ng bago at pino
Dapat magkaisa tayo sa bukas na piho.

Buhay-buhay 1


Ang 3 anak ni marya
ni jesrael rivera


Si fe na panganay ni aling marya
sa edad na disesyete,kaakit-akit sa ganda
mala-anghel ang mukhang nakakahalina
at mahubog ang katawang pang modelo't pang artista
itong si fe pag gabi'y sumapit na
sa may kanto ng ermita doon makikita
mabiling-mabili sa mga lalaking nagnanasa
sa kanyang alindog at hatid na ligaya.

kinse-años si buboy ng maging batikan
na runner ng droga sa bawat paaraalan
mapaging guro o estudyante,inaalukan
ng tinda niyang panira ng isip at katawan
isang araw ng nagtutulak si buboy sa daan
di niya namalayang sya pala'y iniispatan
nabigla ng damputin at kaladkarin ng parak
kalaboso itong si buboy sa kulungan bumagsak.

si estong na dose-años at snatcher ng maynila
bata-bata ng mga naglipanang pulis timawa
sa bawat kanyang napupuslit, mayroong nahihita
mga buayang kasabwat ng kanyang masamang gawa
sa gabi si estong rugby boy sa may luneta
rugby pinagsasaluhan,sinisinghot ng sagana
sa ganitong paraan kahit paano gumiginhawa
naiibsan ang gutom ng kumakalam na sikmura.




Biyernes, Hulyo 3, 2009

SA KALSADA



Takatak Boy

ni:reya stone




Takatakatakatak!

Ang lagatak ng kahong hawak-hawak

laman ay yosi at kending sangkatutak.

Ialok sa lahat nang may buong galak.


Takatakatakatak!

Tatak ng tunong na humahatak

upang may barya namang pumatak

sa loob ng kahong putak nang putak.


Takatakatakatak!

Palakpak ng kahong pumapalatak

kapit ng bisig na sa pawis ay tagaktak

sa gitna ng kalye, ang init ay sumusulak.


Takatakatakatak!

Iyak ng kanina pang talak nang talak.

Bumili na ang lahat ng may balak

pampasak sa sikmurang nagnanaknak.


Takatakatakatak!

Ibigay na ang inyong baryang latak

upang ang hamak na kahon ay humalakhak

at makapagpahinga na, sa gilid ay sumalampak.

PASADA


Manong Tsuper ng Traysikel
ni: reya stone


Ito ang kwento ng isang damsel

na sumakay ng traysikel:


Minsan may pumarang damsel

na may dalang mabigat na bundle

kay Manong Tsuper ng Traysikel.


"Manong, d'yan lang po sa may chapel,"

ani damsel, "magtitirik lang po ng candle."


"Brrrrrroooooommmmm!" ang brattle ng makina ng traysikel

habang umiikot ang wheel at axle.


Hindi pa nakakalayo ang kanilang travel

nang "Prrrrrrrrrtttttttt!" ang tunong ng whistle.

Pinahinto ng pulis si Manong Tsuper ng Traysikel.


"Asa'n ang lagay mong nickle?"

pangongotong ng pulis na sobrang cruel.

Para maiwasan ang quarrel at hassle,

binawasan ng kawawang tsuper ng traysikel

ang kinita niyang nickle.


Pagkatapos ng scene sa pulis na sobrang cruel,

tumuloy na ang damsel sa kanyang pagtatravel.


Biglang bumuhos ang drizzle

at nagpawobble-wobble ang traysikel.


Lumusot ang gulong sa mga puddles

kaya kailangang humawak nang mabuti sa handle.


"Saan na ba napunta ang pondong pambili ng gravel?"

bulong ni Manong Tsuper ng Traysikel.


Huminto ang drizzle,

nagpatuloy ang kanilang travel.


Pagkatapos ng lahat ng hassle,

dumating din sila sa chapel in fine fettle.


"Magdarasal na rin ako at magtitirik ng candle,"

sabi ni Manong Tsuper ng Traysikel.


Sa loob ng chapel,

buong taimtim na nagdasal si Manong Tsuper ng Traysikel:


"Diyos ko, wag namang tumaas pa

ang presyo ng isang barrel ng diesel.

Dahil kung tataas pa,

sa sobrang little ng kinikita kong nickle

ang maipapakain ko sa pamilya ko ay puro na lang noodles."


Ang dasal naman ni damsel:

"Pakinggan N'yo po sana ang dasal

ni Manong Tsuper ng Traysikel.

Tapat siyang nagbabanat ng muscle

sa kabila ng kita niyang very little.

manggagawa


manggagawa sa timog ng isla I
ni: SANILYN GIANAN



patak
ng pawis
ang pansanggalang
sa
init at alikabok
sa pulang lupang humahagalpos.

...

di alintana
ang pagod;
hapdi, sakit
gutom;
disgrasya ang abutin
sa buong maghapon.

...

maibsan lang
ang pagkalam
ng sikmura
ng tahanang
kanyang binubuo
at nang sariling
malapit nang maging
buto.

...

di alintana
lalo na
ang mga magsasakang
nagmamartsa
pagkawala ng lupa nila
ay kapalit ng kanilang hininga..

...

sa buong araw at gabi
niyang pagtayo,
paggalugad,
ng ginto,
salapi
pilak at punto
sa malaking
minahan
ng tanso.



------

pasintabi sa "manggagawa" ni JOse Corazon de jesus.

Huwebes, Hulyo 2, 2009

Tungkol sa CON-ASS

INakkUppOO!
ni jesraelrivera
may lunas na raw sa ating bayang namemeligro
kung maisasakatuparan itong plano ng pangulo
mga panukala niya, tiyak daw na babago
at magsasaayos sa ating gobyerno

pero bakit maramai ang nagrereklamo
hindi lang iisa ang nakitang nag-alburuto
mga tao'y nagkalat; protesta doon,protesta rito
sigaw nila"pigilan,ang balak ng pangulo".

e paano ang palasyo mayroon palang hidden agenda
ang nilulutong plano, obvious na sa masa
ang plan pag naisulong, nayari at naipasa
termino'y extended, termino nya'y mapapahaba

sus ginoo naman! di pa ba nagsawa?
si madame balak pa atang dumagdag sa problema
eto at tambakan pa nga ang suliranin ng madla
sa dami ating bayan halos di na makahinga.

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com