Linggo, Hulyo 12, 2009

Kabayan Sa ibang bayan 2



Hangang Kelan Mangingibang-bayan Si Kabayan

ni journeyman


Si kabayang Mang Gusting kilala sa kampo namin
Puti na lahat ng buhok ngunit nagta-trabaho pa rin.


Minsan isang hapon siya’y aking tinanong
Me mapag-usapan lang sa nakakainip na panahon.


"Kabayan, kelan ba kayo titigil sa pangingibang bayan?"
"Kaibigan, hangang May na lang" kaniyang tugon naman.


Mabuti pa itong si Kabayan sa takdang panahon
Iiwan ang Saudi’t sa Pilipinas mananatili na dun.


Meron akong kilala sa may lakan diyan nakatira
Ang kapal ng mukha ayaw na yatang bumaba.


Pamumuno niya’y punong-puno ng kontrobersiya,
Kilalang-kilala siya sa panggugulang at pandaraya.


Sa isip ay muling binalikan mga eskandalong
Kaniyang kinasasangkutan, patuloy na tinatalikuran.


Paano nga ba siya naluklok ulit sa puwesto?
Oo nga pala salamat ng marami kay Garcillano.


Sino ba ang pasimuno ng jueteng sa Pampanga?
Kung hindi niya alam matagal na sanang nawala.


Ilan bang mga ama’t ina ang sa gabi’y tumatangis
Biktima ng summary execution kanilang nami-miss?


Anong nangyari sa OWWA Fund na sana’y pantulong
Sa mga kababayang napariwara at inabuso ng among?


Sa’n napunta fertilizer fund para sa mga magsasaka
Meron bang nakulong, si Jocjoc naparusahan na ba?


Ano bang kalye sa Pilipinas ang pinakamahal
Di ba’t ang pinagpipitagang hi-way Macapagal?


Sino ang makalilimot sa isyu ng ZTE/NBN
Bakit si Lozada ang me kaso at idinidiin?


Meron bang napahiya ng ipagsigawan ng WB sa mundo
Ang tuwirang pamumorsiyento ng mga taong gobyerno?


Masyado na palang naglalakbay ang aking kaisipan
Sa di malamang dahilan muling tinanong si kabayan


"Kabayan, hangang kelan ka ba mangingibang-bayan?"
"Hangang May na lang kaibigan." muling tugon niya.


"Hangang "May"-langis sa Saudi at habang ang ating bayan
Ay "May"-roong nararanasang pagka-duhagi at kahirapan."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com