Miyerkules, Hulyo 15, 2009

BUHAY BUHAY 2



Sa Lansangan ng Pakikihamok


ni KA EZZARD GILBANG

Pahaw ang halukay ng ingay-isteryo,
Humalo sa putok ng nagmamaneho.
Nagkanda-sunganga, mga pasahero
sa pabiglang preno't harurot-barako,
"Baboy ba sakay mo?" hiyaw ng kabado.

Saglit na huminto doon sa fly-over,
Dito, Lagro! Lagro! Ang sigaw ng barker,
'pahinga na tatang!' ang taboy ng drayber.
Ang pobreng matanda'y biglang napailing,
Bumulong, ang sabi, "ikaw’y tatanda rin!"

Tatlo ang pumanhik, may batang sumabit,
Sa loob ng dyipni'y agad na sumingit
Saka dinampian ng basaha't pilit
Na pinagkukuskos, paang malilinis.
"Ay bastos na bata!", ang gulat ng misis.

Ang batang lansangan pagkuwa'y lumuhod,
Nagsahod ng palad, doon namalimos.
Hindi s’ya pinansin, wala mang nag-abot,
Walang umiimik kahit na gaputok,
Liban sa tambutso na humaharurot.

Ang bata'y umupo sa isahang baytang,
Ang mata'y lumikot at nakikiramdam,
Ang maruming plastik, dinukot sa beywang
Pagdaka’y sininghot ang solvent na laman.
Ang sabi ng mama, " hoy boy, bawal iyan."

Saglit na kumalma ang pagtakbo ng dyip,
Agad kumalampag, palaboy na paslit,
Umiyak ang preno na nakatutulig,
Sa dyipni'y lumukso, bata'y tumalilis
Ang sigaw ng ale, "Bag ko! Bag ko! Pulis!!"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Maki-isa ka

Aking larawan
Philippines
Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com