Miyerkules, Oktubre 28, 2009
Buhay BUHay
Para Kumita Ng Pera
Ni cristina casacop
Sa kanyang paglisan pilit na ngiti ay sisilay,
Bakas ay ligaya ngunit higit ang kalungkutang taglay.
Hindi man sabihin, sa mata’y mababanaag,
Mga impit niyang luha’y naghahangad ng liwanag.
Piniling magpaalila sa hindi niya kababayan,
Lungkot ng pag-iisa’y pilit na kinakalaban.
Kung minsa’y sawing-palad, umuuwing luhaan,
Ngunit patuloy pa rin sa pakikipaglaban.
At pagdating doon, sa pamilya’y nangungulila,
Kadalasa’y walang magawa kundi ang lumuha.
Long-distance calls na kay mahal, kahit pano’y naiibsan,
Ang sakit ng damdaming ni sa pagtulog di maiwasan.
Trabaho dito, trabaho doon ang kanilang ginagawa,
Hindi magawang tumigil, hindi maisipang magsawa.
Pagal nilang katawan, kama lang ang nakakaramdam,
Hapdi nilang dinaranas, tanging haligi ang may alam.
At sa pag-uwi nila’y santambak ang pasalubong,
Chocolates at pabango, lahat nais sumalubong.
Hindi man lamang naisip kung ano’ng hirap nila,
Sarili’y ibinenta para kumita ng pera.
(July 30, 2009)
Biyernes, Hulyo 24, 2009
BUHAY BUHAY 7
PARAAN
ni sanilyn gianan
sinisipi ko ang libro
ng karunungan
binubuksan ko ang
kanilang kahalagahan
sa mundo kong
may kaguluhan
ang apg-aaral ko nga ba'y
may kabuluhan?
anong paraan ako
makagagaan
sa mga kanayon kong
nahihirapan
sa sistema ng ating pamahalaan
may pag-asa pa ba
kaming mga kabataan
makawala sa mundong may karupukan
makawala sa mundong sa kakaunti
lang ang may kapakanan....
--
kabilang sa tatlong "P'
na hinalo sa utak kong sawi.
Miyerkules, Hulyo 22, 2009
BUHAY BUHAY 6
sinong naiwan sa kanila?
ni sanilyn gianan
ni sanilyn gianan
narito kayong lahat
ngunit sinong naiwan sa kanila?
humihinga ng hanging
mas malamig dahil sa niyebe
habang sila'y nagtitiis
sa usok na panghele
naghahanap ng luntiang paligid
sila nama'y tumataya
na sa biyaya ng pagmamasid
narito kayong lahat
ngunit sinong naiwan sa kanila?
silang halos di na makahinga?
silang nababatikos na maralita?
silang gumagapang, kumakahig
namumuhay higit pa sa daga?
wala ba kayong kamay na
pang aruga?
malayo nga pala tayo
malayo sa kanila.....
Miyerkules, Hulyo 15, 2009
BUHAY BUHAY 5
Limang Tanaga ng Pagmumuni
Ni KA EZZARD GILBANG
BUHAY NGA NAMAN
May pahila-hilatang
may sahod na biyaya,
at may halos makubang
daliri’ng nginunguya!
KABALINTUNAAN
Nang sa sakit naratay
pagkai’y umaapaw,
sa may panlasang gutom;
wala man lang ni tutong!
KAMAY
Kung haplos, dumadamay.
Kumakaway, kung paalam.
Nanunumpa, kung tunay.
Kamao, kung lumaban!
PANSAMANTALA
Kinang na kumikislap
maglalaho’t kukupas;
Bubot man na bulaklak,
bukas ay mapipigtas!
ISA PANG KABALINTUNAAN
Nang masigla’t malakas
ay ayaw makausap,
nang mata ay mapikit
ay tinatanong pilit!
BUHAY BUHAY 4
Kawawa Ka Naman
NI KA EZZARD GILBANG
Ang isang atorni’y tatawid sa ilog,
suot ang sombrero, may tungkod, sapatos.
Bangkero’y tinawag sa kaway at sutsot,
at agad sumakay sa bangkang dumulog.
Ang bangkang maliit, marahang naglakbay
na tiyak ang gaod ng bisig na sanay
ng mamang ang paa’y ni walang sapin man,
wala ring salakot o pandong man lamang.
Atorni’y nagtanong; o mamang bangkero,
ikaw ba’y may alam sa batas-gobyerno,
sa batas na sibil o batas pantao?
Bangkero’y tumugon; wala po, ginoo.
Kawawa ka naman ang tugon ng una;
magkuwenta marahil, ikaw’y ma’y alam na,
di kaya’y mag-ingles, sa titser na gaya,
magbilang, magsulat, gumuhit, magbasa?
Ngumiting marahan ang pobreng tinanong;
wala po ni konti, ang kagyat ‘tinugon.
Ako po’y bangkerong sa buong maghapon,
kakambal ko’y sagwan, katabi ko’y timon.
Kawawa ka naman, di mo pa nasubok
sa korte’y tumayo’t bumigkas, lumahok
sa mga tagisan ng utak at ulos
ng mga salitang di mo pa naarok!
Bangkero’y nangusap: matanong ko kayo,
marunong ba kayong lumangoy, ginoo?
Umiling kawasa atorning nalito’t
sabi ng bangkero’y lulubog po tayo!
BAGONG TAON
R e s o l u s y o n
NI KA EZZARD GILBANG
Tahimik na ang mga paputok,
tinangay na ang usok at kalat;
hindi parin makaimik ang nagpuputok
na hinanakit sa mabilis na patak ng metro;
sa patumpik na usad ng hustisya;
sa pagtapak sa maliliit;
sa pagtupok sa pangarap;
sa pagpitik sa mga walang sinasabi;
sa pagputak ng mga may boses;
Nagkalat ang putik sa pulitika.
Nagkalat ang patok na modus.
Nagkalat ang tapik at lagay.
Kailangan ang tubig at paghuhugas
sana'y umulan kahit hindi bagong taon.
BUHAY BUHAY 3
At pinagtatagni-tagni
ang pingas-pingas na tula
ng bubungang dalamhati.
Barong-barong ng Talinghaga
NI KA EZZARD GILBANG
Pinagkrus ang talinghaga
at tahila'y naitundos
na haliging puro luha.
Ang salitang nauupos
iniladlad na himutok
na dingding ng diwang kapos.
At sa sahig hinuhutok
ang paksaing nalalagas
sa hagdanang anong dupok.
Ngunit h'wag ding mangangahas
pumasok sa pintong agnas!
RELIHIYON at PANINIWALA
P a n a t ( i k o ) a
ni KA EZZARD GILBANG
Payak ang pakay
ng debosyon:
Pananalig
sa itim na imahen.
Yapak ang mga paa;
yakap ang panatang
inaakay ng hangaring
maging deboto
ng itim na imahen.
Tiim ang hininga;
minimithing makalapit,
makakapit kahit sa lubid,
maidampi kahit ang dulo ng daliri
sa itim na imahen.
Hinahamon ang tulak,
gitgit, ipit at apak
upang makasingit
sa daipit na sulak at lusak
na karagatan ng mga debotong
ang balani ng uli-uling nasa gitna
ay itim na imahen.
Samantalang hinahalukay
ang sungaw, singaw, sigaw,
sayaw, saway, laway, away,
nakaw, bugaw, agaw, lugaw;
ang itim na imahen
ay hindi nangangalay
at hindi nagmamalay
sa krus na pasan-pasan
habang inaakay
sa maluwang na lansangan.
TRAHEDYA/KALAMIDAD atbp.
Tumalon ang Imahen
ni KA EZZARD GILBANG
Anim na talampakan
ang taas ng konkretong imahen
na inilalabas sa isang bukas na balkonahe.
Taon-taong inilalabas
sa tuwing sasapit ang kapistahan.
Nakatungo ang imahen.
Tinutunghan ang mga naglalakad
sa ibabang daan na nayuyungyungan
ng konkretong beranda na may labinlimang
talampakan ang taas.
Taon-taon itong ginagawa ng may-ari.
Taon-taon, sa tuwing pista.
Ano't ngayong araw ng kapistahan,
nahulugan nito ang isang batang babae
na dagling namatay?
Sagot ng may-ari: Naghimala ang imahen!
(sinampahan yata ng assiduousness ang may-ari, hindi man lang daw kasi nakatali yung imahen, 4 years old yung batang babae, sa Tondo nangyari.)
BUHAY BUHAY 2
Sa Lansangan ng Pakikihamok
ni KA EZZARD GILBANG
Pahaw ang halukay ng ingay-isteryo,
Humalo sa putok ng nagmamaneho.
Nagkanda-sunganga, mga pasahero
sa pabiglang preno't harurot-barako,
"Baboy ba sakay mo?" hiyaw ng kabado.
Saglit na huminto doon sa fly-over,
Dito, Lagro! Lagro! Ang sigaw ng barker,
'pahinga na tatang!' ang taboy ng drayber.
Ang pobreng matanda'y biglang napailing,
Bumulong, ang sabi, "ikaw’y tatanda rin!"
Tatlo ang pumanhik, may batang sumabit,
Sa loob ng dyipni'y agad na sumingit
Saka dinampian ng basaha't pilit
Na pinagkukuskos, paang malilinis.
"Ay bastos na bata!", ang gulat ng misis.
Ang batang lansangan pagkuwa'y lumuhod,
Nagsahod ng palad, doon namalimos.
Hindi s’ya pinansin, wala mang nag-abot,
Walang umiimik kahit na gaputok,
Liban sa tambutso na humaharurot.
Ang bata'y umupo sa isahang baytang,
Ang mata'y lumikot at nakikiramdam,
Ang maruming plastik, dinukot sa beywang
Pagdaka’y sininghot ang solvent na laman.
Ang sabi ng mama, " hoy boy, bawal iyan."
Saglit na kumalma ang pagtakbo ng dyip,
Agad kumalampag, palaboy na paslit,
Umiyak ang preno na nakatutulig,
Sa dyipni'y lumukso, bata'y tumalilis
Ang sigaw ng ale, "Bag ko! Bag ko! Pulis!!"
Halalan 2
At nang ibinoto ng bobo ang ngising aso sa Gobyerno
Ni Madaket millie(andy kelly baring)
Ba't di kaya sila magka-diabetes
sa laway na puhunang ubod ng tamis?
ang mga sawang sa balat-kayo'y nagsipagbihis
na s'yang lilingkis sa mga maralita't anak pawis
Balak pa atang 'pinas ilagay sa guiness
pinakamalaking kalsada sa whole universe
sa mga kalsada ng paulit-ulit na pagpromise
at panloloko sa baya't pangungurakot ng milyones
Pondo ng baya'y patuloy na kinamkam
ng mga bundat na buwayang uhaw sa kapangyarihan
kapakanan ni juan tuloy napabayaan
ang sasarap nilang i-uppercut sa t'yan!
Sa mga balota'y ba't pangalan mong nailagay
dahil sa aking kabobohan,sa pagpili'y sumablay
buti na lang, aking lesson ay agad natutunan,
sorry ka na lang dahil sa susunod na botohan....
-MA-ZERO KA SANA SA BILANGAN!
Martes, Hulyo 14, 2009
Manggagawa 2
pawis
ni sanilyn gianan
ni sanilyn gianan
ang puhunan mo
sa araw-araw;
ang paglalakad sa
init ng araw.
di alintana
sagana sa alikabok
,sa kitang kakarampot
para sa kanila'y
nagkukumahog.
dala-dala'y, maliit
na lalagyan
mainit na
kaning pantanghalian;
ang tuwalya'y lagi mong
pasan-
sa bunbunan mayroong tahanan.
sakali mang maligaw
sa paghahakot ng grabang malabnaw
at ang usok sa daan
ng mala-abong paligid
sa paglunok mo'y kapiling
kasama ang tubig pampatid uhaw
pagdating ng dapit hapon
unti-unting nilalamon
ng dilim, ang maliit na
bahay, parang kumon.
Pagdaka'y tatayo ka't
pawis mo'y pahid
ng tuwalyang maasim
kahit na
kahit pa.
sa pag-uwi nama'y
mayroong maglalambing.
Kabayan Sa Ibang bayan 3
Linggo, Hulyo 12, 2009
Patungkol sa Bayan at sa ating mga kabayan 1
DYANITOR PLS.
ni Madaket Millie(andy kelly baring)
Patuloy na kahirapan sa kanila'y isinusumbat
kawatan ng bayan ipinipilit itatak
sa bawat biktimang hinihikayat
na patuloy na sikilin ang mga katulad ni ERAP
Mabagal na pag-asenso at makupad na pag-usad
sila ang may kasalanan at dapat magbayad
sarili'y pilit inihihiwalay sa lambat
at 'di raw kasali sa anomalyang nagaganap
galit sa sistemang bulok at ayaw na sa 'Pinas
ang daliring nandurong sa kasalanan ay ligtas
milagrong ewan sa langit hinihiling na bumagsak
ngunit walang ginagawang hakbang para ito'y matupad.
Ikaw at ako na ginagawang pamunas ang watawat
ay dapat nang linisin ang bawat kalat
ng ating bayang patuloy na isinasadlak
ng kamangmangan at katangahan nating lahat.
Kabayan Sa ibang bayan 2
Hangang Kelan Mangingibang-bayan Si Kabayan
ni journeyman
Si kabayang Mang Gusting kilala sa kampo namin
Puti na lahat ng buhok ngunit nagta-trabaho pa rin.
Minsan isang hapon siya’y aking tinanong
Me mapag-usapan lang sa nakakainip na panahon.
"Kabayan, kelan ba kayo titigil sa pangingibang bayan?"
"Kaibigan, hangang May na lang" kaniyang tugon naman.
Mabuti pa itong si Kabayan sa takdang panahon
Iiwan ang Saudi’t sa Pilipinas mananatili na dun.
Meron akong kilala sa may lakan diyan nakatira
Ang kapal ng mukha ayaw na yatang bumaba.
Pamumuno niya’y punong-puno ng kontrobersiya,
Kilalang-kilala siya sa panggugulang at pandaraya.
Sa isip ay muling binalikan mga eskandalong
Kaniyang kinasasangkutan, patuloy na tinatalikuran.
Paano nga ba siya naluklok ulit sa puwesto?
Oo nga pala salamat ng marami kay Garcillano.
Sino ba ang pasimuno ng jueteng sa Pampanga?
Kung hindi niya alam matagal na sanang nawala.
Ilan bang mga ama’t ina ang sa gabi’y tumatangis
Biktima ng summary execution kanilang nami-miss?
Anong nangyari sa OWWA Fund na sana’y pantulong
Sa mga kababayang napariwara at inabuso ng among?
Sa’n napunta fertilizer fund para sa mga magsasaka
Meron bang nakulong, si Jocjoc naparusahan na ba?
Ano bang kalye sa Pilipinas ang pinakamahal
Di ba’t ang pinagpipitagang hi-way Macapagal?
Sino ang makalilimot sa isyu ng ZTE/NBN
Bakit si Lozada ang me kaso at idinidiin?
Meron bang napahiya ng ipagsigawan ng WB sa mundo
Ang tuwirang pamumorsiyento ng mga taong gobyerno?
Masyado na palang naglalakbay ang aking kaisipan
Sa di malamang dahilan muling tinanong si kabayan
"Kabayan, hangang kelan ka ba mangingibang-bayan?"
"Hangang May na lang kaibigan." muling tugon niya.
"Hangang "May"-langis sa Saudi at habang ang ating bayan
Ay "May"-roong nararanasang pagka-duhagi at kahirapan."
Katarungan 2
Hustisya
Ni Ruth Mostrales
KUng umiyak ang mga dehado'y paminsan minsan ---
Sino ang may bitbit sa
Kung umiyak ang mga dehado’y paminsan ---
Hustisya!
Pati mga inosente’y tumatangis sa piitan ---
Hustisya!
sino ang may bitbit ng timbangan?
Hustisya!
May mga sisiw na ‘di makaahon sa kailaliman,
Sino ang tinimbang ngunit kulang?
Hustisya!
May mga agilang nalalasing sa kapalaluan.
Ang mga maliliit ay walang madulugan ---
Ang hustisya’y sa malalaki lang ba nakalaan?
Matatapos din ang araw nilang mga sakim!
Ang tunay na hustisya’y ibibigay din
Sa kanilang inalipin ng iskemang kumikindat Sa mga bigatin ---
sa liyab ng asupre ay gugulong Ang mga kampon ng dilim.
Huwebes, Hulyo 9, 2009
Kabayan Sa ibang bayan 1
Kapalit ng Dolyar
ni journeyman
Sa Taiwan ay may
Titser
na naghihintay
naghihintay
sa bilangguan
ng kanyang kamatayan
kanyang kamatayan.
Noong isang linggo naman ay
may binitay
binitay
sa Saudi Arabia
Tatlo pang Filipino
ang naka-linya sa bitay
sa bitay
at tatlo rin ang may
sampung taon na sintensya
sampung taong
sintensiya.
Ito ang mga trahedya
na sinusuong
trahedyang sinusuong
ng mga Filipino
na nangingibang bansa para magtrabaho
mag-trabaho.
Ang hirap sa kanilang kalagayan
hirap na kalagayan
wala kang kalaban-laban
wala kang kamag-anak
wala kang mga kaibigan
na tutulong sa iyo
walang tutulong sa iyo.
Lunes, Hulyo 6, 2009
Halalan 1
Sa Halalan
ni jesrael rivera
Nagkalat na naman, sa kahit saan
panay kaway, panay kamay
talo pa artistang panginternasyonal
blockbuster ang poster sa bawat daan
wala pa man ang araw panay na ang pasada
tambak ang ads, kahit saan makikita
panay pa-gwapo panay pabida
pulitikong sana'y gumawa ng eksena
merong sige sa pamumudmod ng pera
merong ding nagmumukhang kwela
merong halos magmukhang kawawa
para lang makuha ang simpatiya ng masa
kanya kanyang gimik at drama
kanya kanya ang pakulo't plataporma
pero ng maupo't magumpisang magmani-obra
sagot niya "sige kanya kanya na muna"
talagang sa eleksyon puno ng kapalpakan
kasamaa'y nagkalat sa araw ng botohan
sana sa susunod maaus ang halalan
ng di naman maghirap itong ating inang bayan.
Linggo, Hulyo 5, 2009
KaLaYAAN 2
DOSE
ni sanilyn gianan
ang ilan ay tumitingala sa kaulapan
habang ang mga kamay ay lapat at dibdiban
tagatak sa pawis ang init ng silanganan
naroon sa itaas ang bandila ng bayan
lahat pilipino ang kumakandili dito
kayumangging kaligatan ang pasimuno
hinabi ang telang may tamis, haplos at ngiti
tatlong bituin, isang araw, namamayani
ilang dantaon na nga ba ang nakakalipas
totoo na bang tayo nga ay nakaalpas sa
tanikala, paghihirap at pagmamataas
tunay na tunay bang lahing ito ay matikas?
natutunan na ba nating pahalagahan ang
kulay ng kalayaan kahit may kapusyawan?
o damahin mo ng husto ang Lupang Hinirang
awit ni Inang sa'yo'y may pag-asang paggalang?
Husto na sana ang pag-iwas sa suliranin
sa mga di nakakatulong sa bansa natin
Kumandili muli sa talino ng magiting,
Buong tapang ng puso, sila nga ay harapin
Ibangon ang lakas at loob ng Pilipino
Kahit ilang sigwa na at gulo ang natamo
Hayaan muling bumuo ng bago at pino
Dapat magkaisa tayo sa bukas na piho.
ni sanilyn gianan
ang ilan ay tumitingala sa kaulapan
habang ang mga kamay ay lapat at dibdiban
tagatak sa pawis ang init ng silanganan
naroon sa itaas ang bandila ng bayan
lahat pilipino ang kumakandili dito
kayumangging kaligatan ang pasimuno
hinabi ang telang may tamis, haplos at ngiti
tatlong bituin, isang araw, namamayani
ilang dantaon na nga ba ang nakakalipas
totoo na bang tayo nga ay nakaalpas sa
tanikala, paghihirap at pagmamataas
tunay na tunay bang lahing ito ay matikas?
natutunan na ba nating pahalagahan ang
kulay ng kalayaan kahit may kapusyawan?
o damahin mo ng husto ang Lupang Hinirang
awit ni Inang sa'yo'y may pag-asang paggalang?
Husto na sana ang pag-iwas sa suliranin
sa mga di nakakatulong sa bansa natin
Kumandili muli sa talino ng magiting,
Buong tapang ng puso, sila nga ay harapin
Ibangon ang lakas at loob ng Pilipino
Kahit ilang sigwa na at gulo ang natamo
Hayaan muling bumuo ng bago at pino
Dapat magkaisa tayo sa bukas na piho.
Buhay-buhay 1
Ang 3 anak ni marya
ni jesrael rivera
Si fe na panganay ni aling marya
sa edad na disesyete,kaakit-akit sa ganda
mala-anghel ang mukhang nakakahalina
at mahubog ang katawang pang modelo't pang artista
itong si fe pag gabi'y sumapit na
sa may kanto ng ermita doon makikita
mabiling-mabili sa mga lalaking nagnanasa
sa kanyang alindog at hatid na ligaya.
kinse-años si buboy ng maging batikan
na runner ng droga sa bawat paaraalan
mapaging guro o estudyante,inaalukan
ng tinda niyang panira ng isip at katawan
isang araw ng nagtutulak si buboy sa daan
di niya namalayang sya pala'y iniispatan
nabigla ng damputin at kaladkarin ng parak
kalaboso itong si buboy sa kulungan bumagsak.
si estong na dose-años at snatcher ng maynila
bata-bata ng mga naglipanang pulis timawa
sa bawat kanyang napupuslit, mayroong nahihita
mga buayang kasabwat ng kanyang masamang gawa
sa gabi si estong rugby boy sa may luneta
rugby pinagsasaluhan,sinisinghot ng sagana
sa ganitong paraan kahit paano gumiginhawa
naiibsan ang gutom ng kumakalam na sikmura.
ni jesrael rivera
Si fe na panganay ni aling marya
sa edad na disesyete,kaakit-akit sa ganda
mala-anghel ang mukhang nakakahalina
at mahubog ang katawang pang modelo't pang artista
itong si fe pag gabi'y sumapit na
sa may kanto ng ermita doon makikita
mabiling-mabili sa mga lalaking nagnanasa
sa kanyang alindog at hatid na ligaya.
kinse-años si buboy ng maging batikan
na runner ng droga sa bawat paaraalan
mapaging guro o estudyante,inaalukan
ng tinda niyang panira ng isip at katawan
isang araw ng nagtutulak si buboy sa daan
di niya namalayang sya pala'y iniispatan
nabigla ng damputin at kaladkarin ng parak
kalaboso itong si buboy sa kulungan bumagsak.
si estong na dose-años at snatcher ng maynila
bata-bata ng mga naglipanang pulis timawa
sa bawat kanyang napupuslit, mayroong nahihita
mga buayang kasabwat ng kanyang masamang gawa
sa gabi si estong rugby boy sa may luneta
rugby pinagsasaluhan,sinisinghot ng sagana
sa ganitong paraan kahit paano gumiginhawa
naiibsan ang gutom ng kumakalam na sikmura.
Biyernes, Hulyo 3, 2009
SA KALSADA
Takatak Boy
ni:reya stone
Takatakatakatak!
Ang lagatak ng kahong hawak-hawak
laman ay yosi at kending sangkatutak.
Ialok sa lahat nang may buong galak.
Takatakatakatak!
Tatak ng tunong na humahatak
upang may barya namang pumatak
sa loob ng kahong putak nang putak.
Takatakatakatak!
Palakpak ng kahong pumapalatak
kapit ng bisig na sa pawis ay tagaktak
sa gitna ng kalye, ang init ay sumusulak.
Takatakatakatak!
Iyak ng kanina pang talak nang talak.
Bumili na ang lahat ng may balak
pampasak sa sikmurang nagnanaknak.
Takatakatakatak!
Ibigay na ang inyong baryang latak
upang ang hamak na kahon ay humalakhak
at makapagpahinga na, sa gilid ay sumalampak.
PASADA
Manong Tsuper ng Traysikel
ni: reya stone
Ito ang kwento ng isang damsel
na sumakay ng traysikel:
Minsan may pumarang damsel
na may dalang mabigat na bundle
kay Manong Tsuper ng Traysikel.
"Manong, d'yan lang po sa may chapel,"
ani damsel, "magtitirik lang po ng candle."
"Brrrrrroooooommmmm!" ang brattle ng makina ng traysikel
habang umiikot ang wheel at axle.
Hindi pa nakakalayo ang kanilang travel
nang "Prrrrrrrrrtttttttt!" ang tunong ng whistle.
Pinahinto ng pulis si Manong Tsuper ng Traysikel.
"Asa'n ang lagay mong nickle?"
pangongotong ng pulis na sobrang cruel.
Para maiwasan ang quarrel at hassle,
binawasan ng kawawang tsuper ng traysikel
ang kinita niyang nickle.
Pagkatapos ng scene sa pulis na sobrang cruel,
tumuloy na ang damsel sa kanyang pagtatravel.
Biglang bumuhos ang drizzle
at nagpawobble-wobble ang traysikel.
Lumusot ang gulong sa mga puddles
kaya kailangang humawak nang mabuti sa handle.
"Saan na ba napunta ang pondong pambili ng gravel?"
bulong ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Huminto ang drizzle,
nagpatuloy ang kanilang travel.
Pagkatapos ng lahat ng hassle,
dumating din sila sa chapel in fine fettle.
"Magdarasal na rin ako at magtitirik ng candle,"
sabi ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Sa loob ng chapel,
buong taimtim na nagdasal si Manong Tsuper ng Traysikel:
"Diyos ko, wag namang tumaas pa
ang presyo ng isang barrel ng diesel.
Dahil kung tataas pa,
sa sobrang little ng kinikita kong nickle
ang maipapakain ko sa pamilya ko ay puro na lang noodles."
Ang dasal naman ni damsel:
"Pakinggan N'yo po sana ang dasal
ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Tapat siyang nagbabanat ng muscle
sa kabila ng kita niyang very little.
ni: reya stone
Ito ang kwento ng isang damsel
na sumakay ng traysikel:
Minsan may pumarang damsel
na may dalang mabigat na bundle
kay Manong Tsuper ng Traysikel.
"Manong, d'yan lang po sa may chapel,"
ani damsel, "magtitirik lang po ng candle."
"Brrrrrroooooommmmm!" ang brattle ng makina ng traysikel
habang umiikot ang wheel at axle.
Hindi pa nakakalayo ang kanilang travel
nang "Prrrrrrrrrtttttttt!" ang tunong ng whistle.
Pinahinto ng pulis si Manong Tsuper ng Traysikel.
"Asa'n ang lagay mong nickle?"
pangongotong ng pulis na sobrang cruel.
Para maiwasan ang quarrel at hassle,
binawasan ng kawawang tsuper ng traysikel
ang kinita niyang nickle.
Pagkatapos ng scene sa pulis na sobrang cruel,
tumuloy na ang damsel sa kanyang pagtatravel.
Biglang bumuhos ang drizzle
at nagpawobble-wobble ang traysikel.
Lumusot ang gulong sa mga puddles
kaya kailangang humawak nang mabuti sa handle.
"Saan na ba napunta ang pondong pambili ng gravel?"
bulong ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Huminto ang drizzle,
nagpatuloy ang kanilang travel.
Pagkatapos ng lahat ng hassle,
dumating din sila sa chapel in fine fettle.
"Magdarasal na rin ako at magtitirik ng candle,"
sabi ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Sa loob ng chapel,
buong taimtim na nagdasal si Manong Tsuper ng Traysikel:
"Diyos ko, wag namang tumaas pa
ang presyo ng isang barrel ng diesel.
Dahil kung tataas pa,
sa sobrang little ng kinikita kong nickle
ang maipapakain ko sa pamilya ko ay puro na lang noodles."
Ang dasal naman ni damsel:
"Pakinggan N'yo po sana ang dasal
ni Manong Tsuper ng Traysikel.
Tapat siyang nagbabanat ng muscle
sa kabila ng kita niyang very little.
manggagawa
manggagawa sa timog ng isla I
ni: SANILYN GIANAN
patak
ng pawis
ang pansanggalang
sa
init at alikabok
sa pulang lupang humahagalpos.
...
di alintana
ang pagod;
hapdi, sakit
gutom;
disgrasya ang abutin
sa buong maghapon.
...
maibsan lang
ang pagkalam
ng sikmura
ng tahanang
kanyang binubuo
at nang sariling
malapit nang maging
buto.
...
di alintana
lalo na
ang mga magsasakang
nagmamartsa
pagkawala ng lupa nila
ay kapalit ng kanilang hininga..
...
sa buong araw at gabi
niyang pagtayo,
paggalugad,
ng ginto,
salapi
pilak at punto
sa malaking
minahan
ng tanso.
------
pasintabi sa "manggagawa" ni JOse Corazon de jesus.
Huwebes, Hulyo 2, 2009
Tungkol sa CON-ASS
INakkUppOO!
ni jesraelrivera
may lunas na raw sa ating bayang namemeligro
kung maisasakatuparan itong plano ng pangulo
mga panukala niya, tiyak daw na babago
at magsasaayos sa ating gobyerno
pero bakit maramai ang nagrereklamo
hindi lang iisa ang nakitang nag-alburuto
mga tao'y nagkalat; protesta doon,protesta rito
sigaw nila"pigilan,ang balak ng pangulo".
e paano ang palasyo mayroon palang hidden agenda
ang nilulutong plano, obvious na sa masa
ang plan pag naisulong, nayari at naipasa
termino'y extended, termino nya'y mapapahaba
sus ginoo naman! di pa ba nagsawa?
si madame balak pa atang dumagdag sa problema
eto at tambakan pa nga ang suliranin ng madla
sa dami ating bayan halos di na makahinga.
ni jesraelrivera
may lunas na raw sa ating bayang namemeligro
kung maisasakatuparan itong plano ng pangulo
mga panukala niya, tiyak daw na babago
at magsasaayos sa ating gobyerno
pero bakit maramai ang nagrereklamo
hindi lang iisa ang nakitang nag-alburuto
mga tao'y nagkalat; protesta doon,protesta rito
sigaw nila"pigilan,ang balak ng pangulo".
e paano ang palasyo mayroon palang hidden agenda
ang nilulutong plano, obvious na sa masa
ang plan pag naisulong, nayari at naipasa
termino'y extended, termino nya'y mapapahaba
sus ginoo naman! di pa ba nagsawa?
si madame balak pa atang dumagdag sa problema
eto at tambakan pa nga ang suliranin ng madla
sa dami ating bayan halos di na makahinga.
Sabado, Hunyo 27, 2009
KaTaRuNgaN 1
Panawagan kay Ginang Justitia
(collaboration)
(collaboration)
by:rhea stone & jesrael rivera
O, Aleng may tangan
ng timbangan ng katarungan,
pagkiling ng 'yong sukatan
ay huwag mong pahintulutan.
sa iyong timbangan nakalaan
itong kinabukasan ng ating bayan
timbangin na maigi wag nawang magkulang
wag ding magmalabis kung kinakailangan
Ebidensya'y matiyagang apuhapin,
Buong sikap na siyasatin,
At saka maingat na timbangin.
Ang nagkasala ang siya mong usigin.
di hutukin na iyong hanapin
wag nawang sa kamay mo patakasin
yaong may sala't mga buhong salarin
matuwid na parusa sa kanila'y pakamtin
Itarak ang hawak na espada
sa taong puno ng lisya.
Tagpasin ang kasamaang taglay niya
nang 'di na makapaminsala pa.
at kung mapaghulo tunay na may sala
katarunga'y dapat ilapat ng malaya
espadang malinis kikilos at gagawa
linisin itong madlang nagkasala
O, Ginang Justitia,
ikaw na nakapiring ang mga mata,
huwag kang magpa-impluwensya
sa yaman at kapangyarihan nilang nagkasala.
wag ka nawang masilaw sa kinang nitong pilak
sa kapangyarihan nila'y wag ka nawang pahadlang
kung kanila ngang gamiting ubos lakas
panaigin mo nawa ang tunay at nararapat
Huwag din naman sana
sa timbanga'y magkamali ka ng basa
o maitarak sa walang sala
ang talim ng 'yong espada.
at kung yaong aba't sinawing palad
kung sa iyo'y dumulog at halos pumalahaw
sa paghanap ng katarungang mainam
wag ipagdamot ibigay ang nararapat.
KALAYAAN 1
Sa Dilim ng Gabi(ni: jesrael rivera)
natigmak sa dugo ang lupa kagabi
pagka't magigiting ay di napagapi
kung sukd'ang kay'langan buhay ang ibuwis
wag lang ipagupo kalayaang mithi
ay gagawing walang tigatig sa dibdib
sa ngalan ng bayang, lubos iniibig
kagabi nagkalat ang bangkay sa daan
katawa'y nilarot ng punlo at tabak
himagsik ng lahi ituloy ang laban
mamatay ay tunay,ligayang kay inam
kapalaluan ay t'yak na mapaparam
kasarinlan din ay,lapit ng matanaw
kagabi ay aking minasdang mabuti
ang mabunying araw at tatlong bituin
kaninang umaga ng ito'y tanawin
pinagpupugayan ng buong taimtim
doon sa palasyo,pinuno't kawani
sumasaludo pang nagagalak man din
ngunit ng sumapit na muli ang lagim
sa dilim na kalat sa langit ang dilim
kalayaan nating tinubos ng sawi
tila ata bigla sa mali nauwi
kalayaa'y gamit sa pagmamalupit
hikahos na bayan,lalo pang sinawi
tumitig ka't ngayon lalo pang tumitindi
sangkaterba nga ang ganid at masakim
ngayon di lang dayo ang mga nanlulupig
bagkus pati na nga kabayan pa natin
naluklok sa pwesto aba't di papigil
maging yamang bayan ay kan'yang inangkin.
mga anak ni inang bayang minamahal
maging sila sila ay nagpapatayan
prinsipyo laban sa prinsipyong matatag
kamatayan para sa mga sasalungat
di ata hinuha mga pinagpagalan
dugo,luha't pawis ng bayaning mahal.
kung di rin lang tayo ang magtutulungan
at sino pa nga bang ating aasahan?
atin nang linisin putik sa watawat
na dulot ng dilim sa gabing nagdaan
ang tatlong bituin di dapat watak
ng maging maningning at mamusilak.
ang bughaw na kulay ay panatilihin
payapa't malinis na ating hangarin
may tingkad ng pulang dugo ng magiting
kalayaang bigay ng ninuno natin
may laan ang bukas,pag-asang kakamtin
at tayo'y di na nga muling pabubulid......
sa dilim ng gabing ang hari ay lagim.
Pilipino, Tunay ka bang Malaya?(ni: rhea stone)
Walang umento sa sahod ng mga obrero
Milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho
Naragdagan ang presyo ng produktong petrolyo
Lumiit ang pondo ng panlipunang serbisyo
(Pilipino, ikaw ba ay tunay na malaya,
sa kahirapan ba'y tuluyan nang nakawala?)
Lumalabang manggagawa ay biglang nawala
Silang tumuligsa'y pinaslang nang walang awa
Binusalan ang bibig ng mga lider-masa
Hindi pinakinggan daing nilang nagdurusa
(Pilipino, nakamit mo ba ang kalayaan,
wala bang sumusupil sa iyong karapatan?)
Upang manatili sa hawak niyang posisyon,
tusong pangulo ay nakakita ng solusyon:
"Isulong ang pagpapalit sa 'ting konstitusyon
nang ang pamumunong muli'y hindi na makwest'yon!"
(Pilipino, ang kalayaan mo ba ay wagas,
ngayong ang pangulo'y niluluto na ang CON ASS?)
KAILAN ni:jesrael rivera
natutulog pa sila,nahihimbing pa ata
kaya tuloy usad pagong itong ating sistema
hihinga ng kaunti sunod ay hibik
puno ng hirap naiipon sa dibdib.
may sapot na ata kanilang kukote
ngiti ang sagot sa palpak na diskarte
bayan laging ginagawang pasaporte
sa ambisyong maiayos kanilang imahe.
bulok nga lagi ang ating aanihin
kung ang magsasaka ay itong mga haling,
kailan matatapos,kailan matitigil?
sinong pipigil sa maling hangarin?
PAGKAMULAT
Isang sa gabi / Sa higaan / Ako’y nakarinig / Ng huni ng isang ibon / Akala ko’y / Panaginip lang / Ngunit hindi / Ang iyong boses / Ang siya palang napapakinggan / Dagli akong bumalikwas / At mga mata’y iminulat / Madilim na paligid ay aking sinuri’t siniyasat…
- Salin-awit ng Sarong Banggui – isang awiting Bicolnon
- Salin-awit ng Sarong Banggui – isang awiting Bicolnon
Si Inang Bayan, magpahanggang ngayon, ay nananatili sa nakakabulag na kadiliman. Ang sigaw niya’y pagtangis na umaasang makapagpapabagabag sa mga anak niyang nanatiling nakaidlip.
Sa sinamang palad, ang kanyang pagtangis ay hindi lubusang naririnig. Kung may makarinig man ay iilan lang. Ang iba pa nga’y nagbibingi-bingihan at ilan lang sa mga nakakarinig ang bumabangon at nagmumulat ng kanilang mga mata -- upang suriin ang kapaligiran at tukuyin ang mga nagpapahirap sa Inang Bayan.
Ang sayt na ito ay naglalayong makapag-ambag ng boses sa Inang Bayan. Upang ang kanyang pagtangis ay mas mapakinggan. Upang ang makarinig ay kusang bumangon mula sa matagal nang pagkakaidlip at mahikayat na pag-aralan ang kanyang lipunan.
Upang maging ganap ang layunin na ito, kami sa pangalan ng makabuluhang panunulat, ay nag-aanyaya sa mga makatang Filipino at may malikhaing kaisipan na mag-ambag ng kanilang akda. Mga makatang ang isinasalarawan sa kanilang panitikan at obrang sining ay ang karanasan ni Inang Bayan sa kamay ng mga taksil at gahaman.
Umaasa kami na sa ganitong paraan ay maisusulong natin ang makabuluhang panulaan at muling maipamamandila ang ating kakayahang magmalasakit sa kalagayan ni Inang Bayan. Upang kahit papaano ay makaantig, makapagpamulat at makapagpakilos tunggo sa pagpapagindapat ng maginhawang bukas.
Sama-sama nating isulong at buhayin ang panitikan na nagsasaalang-alang sa kagalingan ng ating sambayanan!
Mabuhay po kayo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)
Maki-isa ka
- PAGKAMULAT
- Philippines
- Kung nais magpadala ng inyong kontribusyong akda o obra maari ninyong isumite sa e-mail ad na ito: mulatmanunulat@yahoo.com
Archive sa Blog
-
▼
2009
(27)
-
►
Hulyo
(23)
- BUHAY BUHAY 7
- BUHAY BUHAY 6
- BUHAY BUHAY 5
- BUHAY BUHAY 4
- BAGONG TAON
- BUHAY BUHAY 3
- RELIHIYON at PANINIWALA
- TRAHEDYA/KALAMIDAD atbp.
- BUHAY BUHAY 2
- Halalan 2
- Manggagawa 2
- Kabayan Sa Ibang bayan 3
- Patungkol sa Bayan at sa ating mga kabayan 1
- Kabayan Sa ibang bayan 2
- Katarungan 2
- Kabayan Sa ibang bayan 1
- Halalan 1
- KaLaYAAN 2
- Buhay-buhay 1
- SA KALSADA
- PASADA
- manggagawa
- Tungkol sa CON-ASS
-
►
Hulyo
(23)